INABSWELTO ng Sandiganbayan 1st Division ang dating negosyanteng si Janet Lim Napoles sa 16 graft cases sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam.
Ang mga kaso ay dati nang isinampa laban kina Napoles at Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr., noong 2014.
Inabswelto rin ang anti-graft court si Revilla sa kasong plunder noong 2018 habang si Napoles at iba pang mga akusado ay guilty. Tuluyang napawalang-sala si Revilla noong 2021 nang payagan ng korte ang ‘demurrer to evidence’ nito.
Sa promulgasyon ngayong Mayo 22, inabwelto si Napoles sa 16 kaso matapos hindi mapatunayan na nagkasala ito.
Sinabi ng korte na ang kasong plunder kay Revilla, dating political officer Atty. Richard Cambe at Napoles ay maiuugnay din sa kasong graft at ibinase rin umano ito sa “predicate acts” kung saan ang pagkakasala ng akusado ay hindi na madetermina dahil kasama na rin ito sa plunder case kung saan nauna nang ikinaso sa kanila.
“This fact became even more apparent after the presentation of the same testimonial and documentary evidence in both cases,” ayon sa resolusyon na isinulat ni Associate Justice Geraldine Faith Econg, at Division Chairperson Efren De La Cruz at Associate Justice Arthur Malabaguio.
Kasamang inabswelto sina Gondelina Amata, Ofelia Ordoñez, Sofia Cruz, Evelyn Sucgang, Francisco Figura, Ma. Rosalinda Lacsamana, Marivic Jover, Consuelo Lilian Espiritu, Victor Roman Cacal at Maria Ninez Guanizo.
Gayunman, hinatulan namang makulong ng hanggang walong taon ang iba pang akusado na sina Dennis Cunanan, Gregoria Buenaventura, Rhodora Mendoza, Evelyn De Leon, Laarni Uy at Jocelyn Piorato at diskwalipikasyon sa anumang posisyon sa gobyerno.
Samantala, sa isa pang kaso sa PDAF na kinasangkutan ng yumaong Davao del Sur representative Douglas Cagas, napatunayang guilty si Napoles sa dalawang graft at dalawa pang kaso ng malversation.
Sa desisyong inilabas noong May 19, 2023 ng Sandiganbayan 2nd Division, sinabi na ang report ng Anti-Money Laundering Council ay tumutugma sa testimonya ng Benhur Luy kung saan ang non-government organizations na kinasangkutan ng PDAF scheme ay pagmamay-ari ni Napoles.
