PINAIIMBESTIGAHAN NG Department of Health sa regional office ang mga larawan ng monkeypox patient na kumakalat ngayon sa social media.
Ayon kay DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, ang hindi awtorisadong pagpapakita ng pasyente maging ang pribado at confidential na impormasyon tungkol sa pasyente ay paglabag sa batas.
“That is clear violation of our laws on data privacy and even for Republic Act 11332 [or Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act],” sabi ni Vergeire sa press briefing.
Tinukoy ni Vergeire ang pasyente na ikaapat na tinamaan ng monkeypox sa bansa, isang 25-anyos.
Gayong hindi nito sinabi kung saan nakatira ang pasyente, ilang media outfit sa Iloilo ang nagpakalat ng larawan ng pasyente na may blister-like rashes.
“Na-trace natin kung saang lokasyon and we have instructed already our regional director to do an investigation on this para po sa kapakanan ng ating kababayan or individual na may sakit,” ayon pa kay Vergeire.
Kinumpirma ng DOH noong Lunes ang ikaapat na kaso ng monkeypox kung saan nagpositibo ang pasyente sa PCR test noong Aug. 19.
Natunton na rin ang 14 close contacts nito at isa man ay hindi nagpakita ng sintomas sa sakit.
Ang ikaapat na pasyente ng monkeypox ay walang travel history o hindi nagtungo sa bansang may kaso ng sakit. Ang unang tatlong kaso ay mula sa bansang mayroong monkeypox.
“But for now, we cannot confirm yet with certainty na local case at nahawa rin sa isa pang local case kaya may local transmission,” ayon pa kay Vergeire.
“That’s why we said we are still trying to back trace and verify information so that we can establish the source of infection,” ayon pa sa kalihim.
