PATULOY ang pagsasamantala ng mga ganid na kapitalista sa gitna ng patuloy na banta ng pandemya, bagay na pinatotohanan ng Department of Health (DOH) kasabay ng panawagan sa publiko laban sa umano’y pagkalat ng pekeng Molnupiravir sa merkado.
Ayon sa DOH, nakatanggap sila ng impormasyon kaugnay ng bentahan ng mga pekeng Molnupiravir sa merkado makaraang gawaran ng Food and Drug Administration (FDA) ng Emergency Use Authorizatio (EUA) at Compassionate Special Permit (CSP) ang nasabing gamot na ayon sa mga dalubhasa ay mabisang lunas sa mga tinamaan ng nakamamatay na COVID-19.
Ayon pa sa kagawaran, ang Molnupiravir ay isang oral medication na epektibo lamang kung ang pasyente positibo ay mayroon lamang mild symptoms at nasa edad 60 pataas.
Pasok din sa kayang lunasan ng Molnupiravir ang mga immunocompromised na indibidwal tulad ng mga may aktibong kanser, chronic kidney disease, chronic obstructive pulmonary disease, obesity, serious heart condition at diabetes. Anila, ligtas at epektibo ang nasabing gamot kung maibibigay sa loob ng limang araw matapos magpositibo, sa pangangasiwa ng isang doktor.
Babala pa ng DOH, hindi dapat ikonsumo ang Molnupiravir kung walang COVID.
