SA ikatlong pagkakataon, muling magtatangka ang Bureau of Customs (BOC) na gawing perang pandagdag sa pondong kailangan ng gobyerno ang limang iba pang kumpiskadong luxury vehicles sa hangaring tugunan ang mga pangangailangan sa patuloy na banta ng pandemya.
Sa kalatas ng Bureau of Treasury, inihayag ang nakatakdang public auction na magkatuwang na pangangasiwaan ng BOC at Land Bank of the Philippines bukas, (Miyerkules) para sa limang iba pang segunda-mano subalit mamahaling sasakyang hindi lang minsan tinangka – subalit bigong gawing pera ng pamahalaan.
Kabilang sa mga isusubasta sa ikatlong pagkakataon ang isang 2008 Ferrari Scuderia 430 na ibinaba ang presyo sa P11.6 milyon mula sa dating P23.2M. Pasok din sa mga muling tatangkaing gawing pera ng kawanihan ang isang 2001 Porsche Boxster na ibebenta na lamang sa halagang P898,981.08 mula ssa dating 1.79M.
Mas mura na rin ang itinakdang floor price para sa tatlong Mercedes Benz — isang 2011 E220 na itinutulak na lamang sa halagang P870,054.96 mula sa dating P1.5M, isang 2001 SLK55 na isusubasta sa presyong P772,554.92 mula sa dating P1.3M at isang 2001 SLK350 na ibinargain sa halagang P727,720.85 mula sa original floor price na P1.2M.
Ang mga naturang luxury cars ay pawang isinalang sa dalawang public auction ng kawanihan noong Disyembre ng nakaraang taon at Enero 2022 sa hangaring makalikom ng P29M.
Sa datos ng BTr, lumalabas na tinapyas ng kalahati ang target floor price ng bawat unit ng mga kumpiskadong sasakyan. Giit naman ni BOC spokesperson at Assistant Commissioner Vincent Philip Maronilla, hindi overpriced ang ipinataw na presyo ng kawanihan sa dalawang nabigong public auction at naaayon sa umiiral na presyo sa merkado.
“The previous pricing was reasonable and consistent in protecting the interest of the government,” ani Maronilla. Pagtitiyak naman ni District Collector Romeo Allan Rosales, kasalukuyang nasa pag-iingat ng Manila International Container Port (MICP) na kanyang pinamumunuan ang mga isusubastang luxury vehicles.
Kasabay nito, nakatakda na rin isubasta ng Port of Manila ang isang brand new Mercedes Benz G-500 sa presyong P4.7M. Pinili ng pamahalaang huwag nang durugin ang mga nasabat ng sasakyan bunsod ng kakapusan sa pondo bunsod ng pagbagsak ng ekonomiya dahil sa pandemya.
Paglilinaw naman ni Finance Sec. Carlos Dominguez, winasak ng gobyerno ang mga smuggled luxury cars noong mga nakalipas na taon bilang babala at pahiwatig na seryoso ang administrasyong Duterte na wakasan ang smuggling sa bansa.
Gayunpaman, sinabi ng Kalihim na posibleng mauwi pa rin sa pagkawasak ang mga naturang luxury cars na isinusubasta ng BOC kung sadyang hindi magawang ibenta ng pamahalaan ang mga nasabing sasakyan.
