PINAPURIHAN ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS partylist Cong. Erwin Tulfo si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa pagsasabatas nito sa Republic Act (RA) 11982 noong Lunes na nagbibigay ng benepisyo sa mga octogenarian at nonagenarian.
Sa ilalim ng bagong batas, ang mga senior citizen ay makakatanggap ng P10,000 na cash gift sa pagtuntong ng edad na 80 at bawat limang taon pagkatapos nito hanggang sa edad na 95 sa ilalim ng bagong lagdang expanded Centenarians Act.
“Ipinapakita nito na tunay na may malasakit ang ating pamahalaan sa mga kababayan nating senior citizens. Maraming salamat po sa ating pangulo sa pagbibigay importansiya sa mga matatanda nating kababayan,” sabi ni Tulfo sa isang pahayag.
Si Tulfo, kasama ang iba pang mga kinatawan ng ACT-CIS partylist na sina Reps. Jocelyn Tulfo at Edvic Yap ay mga co-author ng bagong pirmadong batas para sa mga senior citizen. “Siguradong matutuwa ang mga senior citizen natin dahil sa panibagong benepisyo na kanilang matatanggap,” dagdag pa ni Tulfo.
Ang bagong batas para sa mga senior ay nagpapalawak ng saklaw ng kasalukuyang RA 10868 o ang Centenarians Act ng 2016, na nagbibigay ng karapatan sa mga Pilipinong may edad na 100 taon ng cash gift na nagkakahalaga ng P100,000.
“Sa pagsasabatas ng Republic Act No. 11982 na nag-aamendya sa Centenarian Law, makakatanggap na ang ating mga senior ng P10,000 sa pagtuntong nila ng 80, 85, 90, at 95 bago nila matanggap ang P100,000 sa pagtuntong nila ng 100 years old,” dagdag ng mambabatas.
Ang batas ay isinusulong ng mga mambabatas ng ACT-CIS mula pa noong 18th Congress upang magbigay ng karagdagang benepisyo para sa mga senior citizen.
“Maraming salamat kay President Bongbong Marcos Jr. at sa ating mga kasamahan sa Kongreso at Senado na napagtagumpayan natin maipasa ang batas na ito,” sabi ng mga kinatawan ng ACT-CIS partylist.
Ang RA 11982 ay lumikha rin ng isang Elderly Data Management System upang matukoy ang mga senior na karapat-dapat na makakuha ng mga benepisyo ng batas.
