Rep. Rodge Gutierrez
ISINULONG ni Rep. Rodge Gutierrez, first nominee ng 1-Rider Partylist na maisama na rin ang mga lumang motorsiklo sa ipinapatupad ng Land Transportation Office (LTO) na tatlong taong bisa o validity ng lahat ng mga bagong motorsiklo sa bansa.
Nauna rito ay may umiiral na panuntunan alinsunod sa Republic Act 4136 at Republic Act 11032, na ang mga motorsiklong may makina o engine displacement na 201cc pataas lamang ang mayroong tatlong taong bisa ng initial registration sa LTO
Ngunit makaraan ang mga pag-aaral ng LTO ay nagdesisiyon na silang gawin na ring tatlong-taon ang bisa ng rehistro kahit sa mga motorsiklong may makina na 200cc pababa alinsunod sa Memorandum Circular No. JMT-2023-2395.
Dahil dito ay pormal na nagpadala ng sulat si Rep. Gutierrez sa pamunuan ng LTO upang hilinging isama na rin ang mga lumang motorsiklo sa tatlong taong validity ng rehistro upang makabawas umano sa mga bayarin at abala sa mga riders.
Isinaad ni Gutierrez na malaking bagay kung maisasama na rin umano ang mga lumang motorsiklo, dahil napakalaki ng sektor na binubuo ng mga App Riders tulad ng Grab, Lalamove, Joyride, Move It , Food Panda, Toktok at iba pa na malaking tulong sa ekonomiya ng bansa.
“Isa pa, income generating din ito sa panig ng LTO dahil marami na ang hindi nagpaparehistro dahil sa kakulangan ng budget, lalo na „yung mga „kagulong‟ natin sa mga probinsiya, pero kung papayagan sila sa napakagandang hakbanging ito ng LTO ay maraming lumang motorsiklo ang maiingganyo na magparesistro” paliwang pa ni Gutierrez.
Binigyang diin pa ng butihing Congressman, na isang pagkilala rin ang hakbanging ito sa panig ng mga rider dahil sila umano ang tinaguriang „unsung heroes‟ noong panahon ng pandemya dahil hindi sila natakot na bawian ng buhay makapagbigay serbisyo lamang sa panahong lahat ng tao ay hindi makalabas ng bahay.
