PINAALALAHANAN ni dating Davao Senior Police Officer Arturo “Arthur” Lascañas si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos na mag-ingat at huwag pagkatiwalaan ang pamilya Duterte.
Ito ay matapos nitong akusahan si Vice President Sara Duterte na sangkot sa “Oplan Tokhang” sa Davao City sa kanyang panahon bilang mayor noong 2012.
Humarap si Lascañas, umano’y miyembro ng orihinal na Davao Death Squad (DDS) matapos ang pre-trial investigation ng International Criminal Court (ICC) sa umanong krimen na kinasangkutan ng mga Duterte sa ilalim ng drug war ng Duterte administration.
Ayon sa dating pulis na nagsalita sa media mula sa hindi binanggit na lugar, nagsumite umano siya ng 186-page affidavit sa ICC.
Ito umano ay naglalaman ng impormasyon ng umano’y pagpatay ni dating president Rodrigo Duterte at pagkakasangkot din ng kanyang anak na si Vice President Sara Duterte, sa extrajudicial killing sa Davao City.
“Siya nga ang pasimuno nitong Oplan Tokhang nung naka-upo siya as mayor nung 2012 in-appoint niya si Bato Dela Rosa as Chief of Police ng Davao City,” sabi ni Lascañas.
“Sinabi sa akin ni Bato Dela Rosa na nag-craft sila ng panibago ngayong extra judicial killing na campaign against illegal drugs which is Toktok Hangnyo meaning Tokhang,” sabi pa nito.
“Mga target personalities sa illegal drugs. Lalo pa ang mga gumagamit ng shabu at nagbebenta. Sabi nya kidnapin ninyo, ilubog ninyo ang target. Parang kaso missing person lang,” dagdag pa ni Lascañas.
3,000 biktima ng EJK
Ibinunyag din ni Lascañas na sa “Sa Laud Quarry lang po sa estimation ko lang, mayroon pong mga more or less 3,000. Pero ang total damage na napatay sa Davao City yung nakita at saka yung missing, more or less 10,000.
Bukod pa umano ito sa hiwalay na bilang sa war on drugs ng Duterte administration.
Bukod umano sa affidavit, sinabi ng dating pulis-Davao na nagsumite siya ng notebook bilang ebidensiya sa ICC office of the prosecutor na naglalaman ng impormasyon ng kanyang nalalaman sa mgapagpatay na iniutos umano ni dating pangulong Dutere, at iba pang alegasyon laban sa anak nito na si VP Sara at Davao congressman Paolo ‘Pulong’ Duterte gayundin sa DDS at anti-crime task forces na itinatag sa Davao City.
Haharap sa akusasyon
Nauna nang sinabi ni Sara Duterte na haharapin niya ang mga akusasyon sa korte sa Pilipinas.
Sinabi rin nito na lumabas lamang ang mga ganitong akusasyon nang manalo siya bilang bise president ng bansa.
