PINAPUTUKAN ng hindi pa kilalang grupo ng armado ang kampo ni presidential candidate Leody de Guzman sa Barangay Butong, Quezon, Bukidnon Province ngayong Martes, ayon sa Partido Lakas ng Masa (PLM) campaign team.
Sa mensahe, sinabi ng PLM na nasa lalawigan si de Guzman at nakikipagpulong sa Indigenous Peoples (IPs) ng Manobo-Pulangiyon upang mabawi ang kanilang ancestral lands.
Walang naiulat na nasawi ngunit dalawa kataong miyembro ng IPs ang sugatan sa tama ng bala. Inaalam pa ng PLM kung may iba pang nasugatan sa insidente.
“Ilan sa mga kasamahan nilang IPs ay tinamaan ng bala at nagtamo ng mga sugat. Malubha ang kalagayan ng mga kasamang IPs, bagama’t wala pang naiulat na namatay sa pangyayari,” sabi ng PLM.
Kabilang sa nasugatan sina Nanie Abela na organizer ng farmers and farmworkers sa Mindanao at isang hindi pa kilalang tribal leader ng Manobo-Pulangiyon.
Kasama ni de Guzman ang kanyang senatorial candidates na sina Roy Cabonegro at David D’Angelo. Sinabi naman ng mga ito na ligtas sila sa pamamaril.
“Ang tinamaan ay ang nasa tabi ko, si Nanie Abela, na organizer ng mga magsasaka sa Mindanao. Casualty rin ang isang lider ng tribong Manobo-Pulangiyon,” sabi ni De Guzman.
Nanawagan din si de Guzman ng kapayapaan sa Mindanao at respeto ng karapatan ng IPs.
“Alam nating mayayaman at makapangyarihan ang ating binabangga sa labang ito. Ngunit ibang klase pa rin kapag talagang direkta tayong dinahas. Walang halaga sa kanila ang buhay nating mga maliliit,” ayon pa dito.
