Rep. Arnie Teves.
HANDA umano ang kampo ng arestadong dating Negros Oriental representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr. sakaling maipabalik ito ng bansa para harapin ang kasong kinakaharap nito. “We’re ready for anything. Kahit naman ibalik siya sa Pilipinas, magkakaroon pa naman ng trial. so let’s see kung anong magiging ebidensya,” sabi ng abogadong si Ferdinand Topacio.
Si Teves ay inaresto noong nakaraang linggo habang naglalaro ng golf sa Timor Leste.
Kasong murder ang kinakaharap nitong kaso matapos iturong utak sa pagpaslang kay dating Negros Oriental governor Roel Degamo noong Marso 4, 2023.
Una nang sinabi ni Topacio na tatagal pa ng hanggang 15 araw ang pananatili ni Topacio sa Timor Leste.
Ito ay habang biniberipika ang kahilingan ng Pilipinas ang International Criminal Police Organization (Interpol) sa kanyang kustodiya.
Ito ang dahilan kung bakit umuwi ang delegasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) na hindi bitbit ang arestadong dating mambabatas.
“Tuloy na po ang hearing niya at doon po, after mga 15 days or so, depende sa takbo ng hearing ay malalaman po kung anong disposition kay Congressman Teves,” sabi ni Topacio.
Sinabi ni Topacio na madedesisyon ang korte kung papayagang manatili si Teves sa naturang bansa o iuuwi sa Pilipinas. “Ang klaro po diyan ay walang nilabag na batas si Congressman Teves sa Timor-Leste,” sabi nito.
