SA kabila ng tagumpay sa halalan, hindi na marahil makakaupo pa si Rep. Crispin Remulla bilang kongresista ng ika-7 distrito ng lalawigan ng Cavite, matapos tanggapin ang alok ni incoming President Ferdinand Marcos Jr. na pamunuan ang Department of Justice (DOJ).
“I’ve accepted it. It’s an honor… It’s a very rare opportunity given to lawyers like us,” pag-amin ni Remulla sa isang panayam.
Aniya, kinailangan niyang isakripisyo ang kanyang pwesto sa Kongreso sa layuning tulungan si Marcos.
“Tumakbo ako para maglingkod bilang representante, pero kapag tinawag ka ng Pangulo, paano ka tatanggi kung ang iyong bayan ay maraming problemang puwede mong matulungan na iayos. Do your duty as a citizen. We have to make our nation-state a better nation-state,” paliwanag pa niya.
Sa sandaling tuluyang bakantehin ni Remulla ang pagiging kinatawan sa Kamara, posibleng magtalaga na lamang ng isang mambabatas para maging “caretaker” ng naturang distrito – o di naman kaya, isang special election. Pag-amin ni Remulla, hindi madali ang nakaatang na trabaho sa DOJ.
Isa sa kanyang target isaayos sa takdang oras ng pag-upo bilang DOJ Secretary ay ang isaayos ang justice system.
“Marami kaming naging conversation ni incoming President Marcos during the campaign… At that time, I had no idea I was being considered… The other specific things, we will talk about it later kasi maraming mali sa ating justice system na dapat itama natin, iwasto natin,” banggit ng incoming Justice Secretary.
“Kaya nagkakaroon ng problema sa bayan, kaya nagkakaroon ng pag-aalsa, hindi naman dahil sa poverty but because of injustice,” dagdag pa nito.
Kabilang sa mga planong imbestigahan ni Remulla ang mga pag-abuso sa giyera kontra droga ng administrasyong Duterte.
