MAHIGIT 755,000 pangalan ng mga patay ang inalis na sa listahan ng voters list ng Commission on Elections para sa May 2022 elections, ayon kay Commissioner George Garcia.
Inatasan na rin ni Garcia ang kaanak ng nasa 755,769 na magbigay ng death certificate sa local Comelec upang mai-update ag kanilang record kahit wala pang sertipikasyon mula sa civil registrar.
“Ang sabi ko nga po, ang problema ‘pag namatay, ‘pag namatay doon sa ibang lugar maliban doon sa kung saan talaga sila nakatira. Dapat kasi ang mag-i-issue ng certification ay ‘yung civil registrar kung saan nakatira ‘yung matanda o ‘yung namatay,” sabi ni Garcia.
“Nakipag-usap kami sa atin pong Census and Statistics Office na nationally magsa-submit sila sa main office ng Comelec ng lahat ng namatay nationwide para kami naman po ang magbibigay ng mga pangalan na ‘yan sa aming local Comelec para maiwasan na sabihin na hindi matanggal dahil nga walang certification,” ayon pa kay Garcia.
“Yung mga nagka-COVID tapos nadala sa ibang lugar, doon nagamot, tapos doon po namatay, posible talaga na maaaring hindi po sila natanggal kasi nga po maghihintay yung local Comelec, base sa batas, ng certification mula sa civil registrar kung saan namatay ‘yung nagka-COVID,” sabi pa ni Garcia.
“Pero, at the same time, kung yung mismong pamilya naman ang nagbigay ng certification mula sa civil registrar na namatay talaga yung kanilang kaanak, sure po na tatanggalin ‘yun ng local Comelec natin. Hindi na maghihintay ng certification mula sa civil registrar kasi nagbigay na ng death certificate ‘yung pamilya,” dagdag pa ni Garcia.
Tinanggal na rin umano ang nasa 1,490,678 pangalan ng mga lumipat na sa ibang siyudad o munisipalidad at 892,627 ang natuklasang nagdoble ang registration.
Gayundin, tinanggal na rin ang nasa 7,229,493 katao na hindi nakaboto sa dalawang magkakasunod na election ayon na rin sa kanilang voting records habang mayroon naming 6,950,449 bagong registrants para sa May 9 polls.
