INUPAKAN ni Senador Risa Hontiveros si Apollo Quiboloy’s sa patuloy nitong pagtatago at paninira sa Senado.
Hinamon ni Hontiveros si Quiboloy na lumabas ng lungga nito at harapin ang Senado bunsod ng mga reklamong sinasabi ng mga miyembro nito sa kanyang sekta.
“Pastor Quiboloy, lumabas ka na sa lungga mo. Tutal nagpapa interview ka na rin sa mga vlogger, aba, magpainterview ka na rin sa amin sa Senado,” sabi ni Hontiveros.
“Hindi naman naitago ng mga audio file na yan ang takot mo matapos umalingasaw ang katotohanan.
Wala kang katiting na ebidensya laban sa aming mga matatapang na witnesses. At wala kang karapatang siraan ang institusyon ng Senado at ang mandato nito,” ayon pa sa senador.
“Kung totoong matapang ka, ulitin mo lahat ng sinabi mo tungkol sa Senado, dito sa Senado. Make your words of record. Record your shameless audacity in history,” dagdag pa ni Hontiveros.
“Patunayan mong ganyan pa rin kabastos ang mga salita mo kapag kaharap mo na kaming mga Senador. Hindi ka namin uurungan,” pagtatapos ni Hontiveros.
Tuloy ang hearing ng Committee on Women kahit hindi sumisipot sa Senado si Quiboloy.
