Rep. Arnolfo Teves
HANDA na ang House Committee on Ethics and Privileges na ilabas ang desisyon sa sitwasyon ni 3rd District of Negros Oriental Rep. Arnolfo ‘Arnie’ Teves matapos balewalain ng kongresista ang palugit na ibinigay sa kanya ng Kamara ngayong hapon.
“Kinikilala at nirerespeto po natin ang lahat ng karapatan ni Cong. Arnie bilang House Member. Kaya naman binigyan natin siya ng pagkakataon para umuwi at linawin ang lahat ng isyung kinakaharap niya ngayon,” ayon kay House Speaker Martin Romualdez.
Ipinarating na din umano ni Rep. Felimos Espares ang desisyon at matapos ang pagpupulong ngayong Miyerkoles ay ilalabas na ang pinag-isang desisyon sa kahihinatnan ng kaso ni Teves.
“I commend the Chairman and the committee members for acting expeditiously on the case, in consonance with the Committee’s mandate and in compliance with the Rules of the House to punish its members for disorderly behavior,” ayon pa kay Romualdez.
Sinabi pa nito na paulit-ulit niyang hiniling na umuwi ng bansa si Teves upang idepensa ang sarili sa mga akusasyon laban sa kanya. Nag-usap pa umano sila sa telepono at personal na ibinigay ang mga maaaring gawin para makabalik ito ng ligtas sa bansa.
“I assured him that the Speaker and the House of Representatives will exert all possible means to secure his personal safety as soon as he lands back home,” ayon sa Speaker.
Nasa kamay na umano ng kapwa mambabatas ang desisyon sa kaso ni Teves. Naiparating na umano sa Speaker na handa nang magsumite ng report ang Ethics Committee para sa plenary action. “Rest assured that the House of Representatives will render its decision on this case observing due process and fully cognizant of Cong Arnie’s rights, but with the best interest of the nation in mind,” ayon pa kay Romualdez
