Rep. Elizaldy Co
NAIS ni House of Representatives Committee on Appropriations chair Rep. Elizaldy Co na kasuhan ang mga dating opisyal at tauhan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) hinggil sa mga proyektong hindi naipatupad ng ahensiya.
Kinalampag din ni Co ang mga opisyal ng DICT sa isinagawang oversight hearing ngayong Huwebes.
“Importante ang pagsasagawa ng ganitong pagdinig dahil atin pong nalalaman kung ang mga pinondohang proyekto ay kanila bang naisasagawa,” sabi ni Co.
Nalaman din sa pagdinig na mababa ang budget utilization ng ahensiya kung saan nangangahulugan din na mabagal ang pagsasagawa ng mga proyektong makatutulong sa taumbayan.
Kinuwestyon din ng mambabatas ang mabagal na implementasyon ng National Broad Plan gayundin ang paggamit ng Free Public Internet Access Fund.
Tinalakay rin ang paglipat ng DICT ng P1.1 bilyon mula sa P12 bilyong pondo sa MMDA.
“Ang automation ay kampanyang ipinangako ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., kung saan mataas din ang ekspektasyon ng publiko sa DICT. Dapat kayo yung magaling sa automation. Let’s lead by example, para yung process mabago,” sabi pa ni Co.
