SIMULA bukas, Oktubre 3, na ipatutupad ang dagdag pasahe sa mga pampublikong transportasyon matapos aprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Inaprubahan ng LTFRB ang P1 provisional increase na minimum fare sa unang apat na kilometro sa public utility jeepneys (PUJs), kung saan ang minimum fare sa PUJ ay nasa P12 na at ang sa modern PUJ ay hanggang nasa P14.
Inaprubahan din ang karagdagang pasahe sa susunod na kilometro ng hanggang P0.30 para sa traditional PUJs sa P1.80, at P0.40 naman sa modern PUJs sa P2.20.
Sa public utility buses (PUBs), ang minimum fare sa city buses ay magtataas ng P2 sa unang limang kilometro — P13 sa regular buses, at P15 sa air-conditioned buses.
Ang minimum fare sa provincial buses ay magtataas din ng P2, at sa susunod na kilometro ay tataas din ng mula P1.90 sa P2.90 depende sa uri ng bus.
Sa taxi, ang flagdown rate ay tataas sa P45, at P40 sa Cordillera Administrative Region (CAR).
Ang pasahe sa transport network vehicle services (TNVS) ay tataas sa P35 para sa hatchback-type vehicles; P45 sa sedan-type vehicles; P55 sa Asian utility vehicles (AUVs) at sports utility vehicles (SUVs).
“Gusto nating ipaalala sa ating mga pasahero na siguraduhin po na ang lahat ng sinasakyan natin bukas ay mayroong fare matrix,” sabi ni LTFRB Chairperson Cheloy Garafil.
“‘Yun po ang mag-ga-guide sa kanila kung magkano talaga ‘yung kanilang babayaran, kasi kung wala po ito, doon pa rin tayo sa dati nating pamasahe,” ayon pa rito.
