NILINAW ni House of Representatives Secretary General Reginald Velasco na bukas ang libro ng Kamara sa Commission on Audit (COA).
Ito ay bunsod ng sinabi ni dating pangulong Rodrigo Duterte na walang problema sa kanya sakaling tumakbo sa pagka pangulo si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa susunod na eleksiyon basta’t maipakitang malinis ang paghawak ng pondo sa Kamara.
Sa statement na inilabas ni Velasco, sinabi nito na kaisa ang Kongreso sa adhikain ng dating pangulo at bukas umano ang libro nito sa Commission on Audit.
Sinabi ni Velasco na walang confidential at intelligence fund ang Kongreso at ang lahat ng nakapaloob sa kanilang budget ay regular na inio-audit at sumusunod sa lahat ng regulasyon.
“Laging bukas po an gaming libro sa Commission on Audit,” sabi ni Velasco.
Sa pinakahuling COA report na inilabas noon lamang Oktubre 2, sinabi ng Kamara na wala silang disallowances, walang notice of suspension o notice of charge.
“Ibig pong sabihin, pasado kami sa COA audit,” ayon pa kay Velasco
Sa isang panayam kay Duterte, tinanong ito kung ano posisyon nya sa balak na pagtakbo sa Panguluhan ni Romualdez.
“Well and good. Gusto ikaw (Romualdez) ang ma-presidente pero maghingi ako ng audit,” sabi ni Duterte.
“Ngayon kung hindi ibigay sa atin iyan, I will ask everybody from the farmer to the businessman, to the church people, to every Filipino, to every soldier and policeman, that we all deman that we open the liquidation para malaman din naming kung paano nyo winaldas ang pera namin,” sabi pa ng dating pangulo.
