BIGO muli ang Bureau of Customs (BOC) na maisubasta ang limang luxury cars na kinumpiska ng pamahalaan sa paniwalang pawang smuggled ang mga mamahaling sasakyan.
Dalawa ang maaaring kahantungan ng mga naturang sasakyan – ipamigay sa angkop na ahensya ng gobyerno o durugin sa harap ng publiko.
Sa isang pahayag, nagdeklara sa ikalawang pagkakataon ng “failed bidding” ang BOC kaugnay ng isinagawang auction ng mga limang luxury cars kabilang ang used o mga segunda manong 2001 model ng Porsche Boxster na may floor price na P1.8 milyon, segunda manong 2001 model ng Mercedes SLK350 sa halagang P1.25 milyon.
Wala rin anilang “takers” ng 2008 model na Ferrari Scuderia 430 na ibinebenta sa halagang P23.23 milyon, 2001 model na Mercedes SLK55 na inalok sa halagang P1.32 milyon at ang 2001 model na Mercedes E220 sa halagang P1.49 milyon.
Sa datos ng kawanihan, kinumpiska nito lamang nakaraang taon sa Quezon City at Pampanga sa magkahiwalay na operasyon ng BOC at iba pang ahensya ng pamahalaan ang mga nasabing sasakyang pinaniniwalaang ipinuslit lamang sa bansa makaraang mabigong makapagpakita ng mga kalakip na dokumentong patunay ng pinagbayarang buwis ang mga nagpakilalang may-ari nito.
