Matinding pinsala ang idinulot ng bagyong Odette, higit sa Visayas at Mindanao na pinadapa ng bagyo.
HINDI pa man nakaaahon sa bangungot dulot ng matinding pagbayo, pakawasak ng ari-arian at hagupit ng bagyong Odette, pagkalat ng Covid-19 infection naman ang pangamba ng mga eksperto sa libu-libong pansamantalang nanunuluyan sa mga evacuation center sa Visayas at Mindanao.
Hanggang ngayong alas-11 ng umaga ay patuloy na nanalasa ang bagyo sa West Philippine Sea gayong sinasabing nakalabas na ito sa Philippine Area of Responsibility (PAR).
Ayon kay Dr. Tony Leachon, makabubuting imonitor ang sitwasyon sa mga lugar na binayo ni Odette, kabilang ang dalawang pangunahing isla sa bansa lalo pa’t mababa ang bilang ng mga nabakunahan doon.
“Puwede kang magkaroon ng violation ng social distancing measures, kasi kung nasa evacuation centers sila, hindi natin masisisi kung ang sanitation at face mask ay hindi kumpleto,” sabi ni Leachon sa panayam sa ABS-CBN TeleRadyo.
“So ang babantayan nating mga kababayan, dahil mababa ang vaccination rate ng Visayas and Mindanao, ay ang pag-surge ng COVID,” dagdag pa nito.
Upang maiwasan ang hawaan, kailangan umanong magtayo ng hiwalay ng tent sa mga evacuees, magbigay ng face masks at alcohol gayundin ang pagsasagwa ng antigen testing. Ang mga magpapakita ng sintomas ay pinapayuhang kumonsulta agad sa mga doctor na itinalaga ng pamahalaan.
“Kunwari naka-settle down na sila sa evacuation center, dapat isa ito sa gawin natin, na magpabakuna para sa ganoon, hindi magkalat ang COVID cases diyan,” mungkahi pa ni Leachon.
Pinaalalahanan din ni Leachon ang publiko, higit sa mga apektado ng krisis na maging alerto lalo pa’t nakapasok na ang mas nakahahawang Omicron variant sa bansa. Mas delikado ito sa mga senior citizen, mga maysakit at hindi bakunado.
“Puwede pa naman madala natin ‘yong infection at maihawa natin to our household members na unvaccinated,” ayon pa sa eksperto.
“‘Pagka nakapasok, it’s just a matter of time na kakalat siya. Kasi, based on history, dun sa atin sa orignal Wuhan strain sa January of 2020… ang tawag nila, index cases; tapos ganun din yung delta, sometime in April and then kumalat din sila. So, kakalat din yan (omicron). Ang next two weeks ay critical kasi alam natin, ang incubation period,” dagdag pa ni Leachon.
