NATAGPUAN na ang aluminum boat na ginamit ng apat na nawawalang Philippine Coast Guard (PCG) rescuers sa Barangay Fuga, Aparri, Cagayan, kahapon, Hulyo 30.
Ayon sa Coast Guard District North Eastern Luzon, namataan ito ng MV Eagle Ferry habang naglalagayag sa katubigang sakop ng Calayan Island.
Kwento ng kapitan, nakita nila itong palutang-lutang pitong milya mula sa naturang isla.
Samantala, nagpapatuloy naman ang malawakang aerial at surface search and rescue (SAR) operations para mahanap ang apat na PCG rescuers na nawala sa kasagsagan ng bagyong Egay noong Hulyo 26.
Agad na naglunsad ng search and rescue (SAR) operation ang Philippine Coast Guard (PCG) matapos tumaob ang kanilang aluminum boat sa katubigang sakop ng Aparri, Cagayan, bandang alas-4 ng hapon noong Hulyo 26.
Papuntang MTUG Iroquois ang apat na rescuers upang sagipin ang pitong tripulanteng sakay ng naturang tugboat.
Habang binabaybay ang Cagayan River, tumaob ang aluminum boat dahil sa malakas na hangin at malalaking alon sa kasagsagan ng bagyong Egay.
Nagsagawa ng SAR operation ngunit pansamantala itong itinigil dahil sa sama ng panahon.
Nakatakda na ring magpadala ng Coast Guard Aviation Force (CGAF) helicopter sa naturang katubigan para makatulong sa paghahanap sa apat na PCG rescuers.
