All travelers departing from China, Hong Kong and Macau who are over two years old, including American citizens, are covered by the new rules regardless of vaccination status.
MULA pa nang unang sumulpot ang pandemya Marso ng taong 2020, nananatiling pangarap pa rin ang pangakong allowance ng gobyerno, ayon mismo kay Health Undersecretary Leopoldo Vega.
Pag-amin ni Vega na siya ring tumatayong treatment czar, nasa 120,000 healthcare workers (HCW) at iba pang pasok sa kategorya ng frontliners ang di pa rin nakakatanggap ng kanilang One COVID-19 Allowance (OCA). Dagdag pa niya, 400,000 sa tinatayang 526,727 HCWs ang aniya’y nakakuha na ng kanilang OCA mula sa pamahalaan.
Una nang dumaing si Private Hospitals Association Philippines Inc. (PHAPI) president Dr. Jose de Grano hinggil sa aniya’y patuloy na pagpapaasa ng gobyerno sa hanay ng mga HCWs na nakabase sa mga pribadong pagamutan – bagay na agad namang tinugon ng ni Vega na nagsabing nakikipag-ugnayan na ang kanilang kagawaran sa naturang grupo para sa “updated list” ng mga di pa nabibigyan ng OCA.
“Napag-usapan po namin kahapon kung pwede ibigay ni President Rene de Grano ‘yung mga hospitals na hindi pa nakakatanggap para ma-coordinate at mabigyan ng tugon. Okay naman, sabi niya ibibigay niya,” ani Vega.
Ilang buwan na ang nakakalipas nang maglabas ang Department of Budget and Management (DBM) ng P7.92 bilyong badyet para sa COVID-19 allowance ng mga pampubliko at pribadong HCWs at non-healthcare workers.
Aabot naman sa P4.5 bilyon ng naturang halaga ang inilaan para sa benepisyo ng 100,313 plantilla workers ng DOH sa mga pampublikong ospital, opisina, at rehabilitation centers kabilang ang mga nasa military at state university hospitals, habang ang nalalabing P3.42 bilyon naman ay para sa 426,414 HCWs na nakatalaga sa mga local government units at private health facilities.
Sa ilalim ng naturang mekanismo, P9,000 ang igagawad sa mga matutukoy na may mataas na panganib sa viral disease; P6,000 para sa medium risk; at P3,000 para sa low risk.
Pagtitiyak pa ni Vega, hindi man ganap na maibigay sa mga nalalabing araw ng administrasyong Duterte ang nabalam na OCA, sigurado naman umanong makukuha nila ang asam na benepisyo sa ilalim ng susunod na administrasyon.
