PORMAL nang tinanggal sa hanay ng mga mambabatas si Rep. Jeffrey Soriano ng Anti-Crime and Terrorism Community Involvement and Support (ACT-CIS) partylist group matapos itong magbitiw sa puwesto.
Hindi pa batid kung ano ang dahilan ng kanyang pagbitiw ngunit usap-usapan naman ang balitang posibleng si dating Social Welfare and Development secretary Erwin Tulfo ang ipalit sa babakentehing posisyon.
Inihayag ni House Majority Leader and Zamboanga City Rep. Mannix Dalipe ngayong Miyerkoles ang pagbibitiw na ipinaalam naman kay Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Ang haka-hakang pag-upo ni Tulfo ay lumutang dalawang linggo na ang nakararaan matapos itong mag post sa kanyang social media page ng mga larawan na kumikilos sa tila outreach program ng isang kilalang partylist.
“Masarap pong balikan ang iyong pinagmulan,” ayon kay Tulfo na ang pinatutungkulan ay ang ACT-CIS.
“Salamat ACT-CIS for allowing me to help. May palugaw na rin pala kayo,” sabi pa ni Tulfo, chairman ng ACT-CIS Party-list.
Si Tulfo ay makailang ulit na tinanggihan ng Commission on Appointments para pormal na makaupo bilang DSWD secretary.
