INIANUNSYO ng Department of Education na 80.25% na ng mga kawani at guro sa buong bansa ang bakunado kontra Covid-19, ayon sa pinakahuling vaccination field report ng kagawaran. Ayon sa summary ng vaccination status ng DepEd, umaabot na sa 779,002 na ang bilang ng mga bakunado mula sa 970,730 na kabuuang bilang ng mga kawani at guro.
Ang DepEd region XIII (SOCCSKSARGEN) ang may pinakamataas na porsyento ng mga bakunadong guro at kawani, na umaabot sa 96.30%, sinundan ito NCR, 93.29% at CAR, 89.41% immunization status.
Isinasaad din sa ulat na mayroong 156,299 na kawani pa ang nakarehistro sa mga LGU para makapagpabakuna. Habang mayroon pang 49,152 ang hindi pa nagpapatala dahil sa iba’t ibang dahilan.
Samantala, siyam sa bawat 10 kawani ng DepEd Central Office ang fully vaccinated na.
Nitong nakaraanag Enero 18, nakatanggap na rin ng booster shots ang may 320 na kawani ng central office sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Pasig. Kaugnay nito, labis ang pasasalamat ni DepEd Secretary Leonor Briones sa mga guro at kawani na patuloy na sumusuporta sa vaccination drive ng kagawaran.
Ang pagsisikap ng kagawaran aniya ay para maproteksyunan ang bawat isa at mapabilis ang ligtas na pagbabalik ng face to face classes.
