Malampaya gas fields.
SA nalalapit na pagtatapos ng kontrata para sa operasyon ng Malampaya Gas Field na nagsusuplay ng 40% ng enerhiyang kailangan ng kalakhang Luzon, naglatag ng mga kundisyones ang Department of Energy (DOE) para sa pagpapalawig ng kasunduan – isang 80-20 hatian pabor sa pamahalaan.
Sa isang pahayag, iginiit ni Energy Assistant Secretary Gerardo Erguiza na higit na mas malaki sa 60% ang dapat makuha ng pamahalaan mula sa $4.5-bilyong kita ng nasabing planta, bagay na kanilang isinusulong sa Udenna group na pagmamay-ari ng negosyante si Dennis Uy.
Si Uy ay higit na kilala bilang isa sa mga lubos na nakinabang sa ilalim ng administrasyong pinamumunuan ni Duterte na kanyang nilargahan ng P30 milyon sa kampanya noong kumandidato itong Pangulong taong 2016.
Batay sa kasunduang lumikha ng government-private sector partnership, taong 2024 matatapos ang kontrata higit na kilala bilang SC-38. Gayunpaman, may kalakip na probisyong nagbibigay laya sa pamahalaan para sa pagpapalawig ng kontrata ng mga kumpanya ng langis na Chevron Corp at Shell Philippine Exploration Corp. – at hindi kay Uy na ayon mismo sa DOE ay hindi pa naman lumalagda sa kasunduan kaugnay ng 90% controlling stake na kanyang nasungkit sa mga nabanggit na kumpanya. Pagtatapat ni Erguiza, patuloy ang negosasyon ng DOE para sa mas malaking parte ng kita ng Malampaya.
“At present, the government sharing is 60:40 in favor of the government. The DoE’s position is to increase it to 80:20 and the alternative position is 70:30. But the DoE now wants 80:20 sharing so that the share of the government will be bigger,” aniya.
Sa tala ng ahensya, nakabahagi ng P332 bilyong kita ang gobyerno sa operasyon ng Malampaya mula Enero hanggang Hunyo ng kasalukuyang taon – bagay na ayon sa ilang senador ay madodoble kung mababawi ng gobyerno ang proyekto mula sa kamay ng mga kapitalista.
