ARESTADO na ng pulis ang isang taxi driver na sinasabing sangkot sa pagpaslang sa pasaherong lola na unang naiulat na nawawala noong Enero 14.
Si Mark Anthony Valera Cosio alyas Mac Mac, ng Barangay Talipapa, Quezon City, ay unang naaresto sa buy-bust operation ngunit kalaunan ay umamin din sa pagpatay kay Edilbertha Gomez.
Noong Pebrero 11 ay natagpuan ang naaagnas nang bangkay ni Gomez sa isang bangin sa Tanay, Rizal. May tama ng bala sa ulo ang biktima.
Sinabi ni Cosio na P5,000 lamang ang nakuha nila sa biktima na pinaghati-hatian ng iba pa nyang mga kasama. Inamin din niyang grupo din niya ang pumatay sa isa pang biktima na kinilalang si Maria Cristina dela Cruz Capistrano.
Nakuha umano ng suspect ang P11,000 kay Capistrano bago ito pinatay at itinapon sa Laug, Mexico, Pampangan noong Enero 29, dalawang araw bago ito naireport na nawawala.
Si Cosio ay may mga kaso ring gun running, drug pushing, kidnapping, at pagbebenta ng pampasabog. Kinilala nito ang dalawa pang sangkot na sina Rolando Mosinos Picaña o “Lanlan”, Keith Richard Robosa, at Jimbo Robosa na patuloy na hinahanap ng pulisya.
