Mark Averil Luzon/ Facebook
BUHUL-BUHOL na daloy ng trapiko ang naranasan sa southbound at northbound lane ng SLEX matapos tumagas ang kargang coconut oil ng isang tanker na sumalpok sa poste ng Skyway malapit sa Magallanes area sa Makati City ngayong Sabado, Marso 9, ng umaga.
Ayon sa report, dakong alas-7 ng umaga nang bumangga ang oil tanker sa southbound lane ng SLEX malapit sa Skyway ramp dahilan upang tumagas ang karga nitong coconut oil sa kalsada.
Sa puntong ito, sunud-sunod namang sumemplang ang mga dumaraang motorsiklo kaya napilitan ang mga traffic enforcer na ipahinto ang daloy ng mga sasakyan sa magkabilang lane.
Sinabi sa ulat na inabot ng siyam-siyam bago makaresponde ang crane truck ng SMC Infrastructure para hatakin ang nakabalandrang truck sa SLEX. Nagtulong-tulong din ang iba’t ibang responders sa paglalatag ng buhangin sa konkretong kalsada upang maiwasan ang pagsemplang ng mga motorcycle riders.
