Photo courtesy: United Mandaluyong Ilaya Brotherhood Fire Rescue Volunteer Inc.
SUMIKLAB ang sunog sa dikit-dikit na kabahayan sa Barangay Addition Hills sa Mandaluyong City, Linggo ng umaga.
Bandang alas-6 ng umaga nang iulat ang sunog sa Block 32 Extension kung saan nakita pang nagpasa-pasa ng baldeng may tubig ang mga residente upang apulahin ang apoy.
Agad na kumalat ang apoy sa kabahayan. Hindi rin agad napasok ng mga bumberong nagresponde ang mga natutupok na bahay dahil sa makikitid na eskinita. Hindi rin halos makadaan ang mga bumbero malapit sa nasusunog na kabahayan.
Pinutol din pansamantala ng Manila Electric Co. ang linya ng kuryente upang makaiwas sa higit pang kapahamakan.
Tuluyang naapula ang apoy dakong alas-9 ng umaga. Walang naiulat na nasawi o nasaktan sa sunog.
