SI DILG Secretary Benhur Abalos nang iharap ang sinasabing gunman na si Joel Escorial. Photo courtesy ABS CBN
WALA umanong criminal record ang sumukong gunman ng beteranong broadcaster na si Percy Lapid, ayon sa pulisya.
Ayon kay Special Investigation Task Group commander Police Col. Restituto Arcangel na patuloy na inaalam ang background ng sumukong gunman na si Joel Escorial.
“Based on our ongoing background investigation, so far, wala siyang (he had no) criminal record,” ayon kay Arcangel sa panayam sa “Headstart” ng ANC ngayong Miyerkoles.
Sinabi ni Arcangel na patuloy pa nilang kinukumpirma ang mga pahayag ng suspect.
Si Escorial ay sumuko nitong Martes dahil sa takot sa kanyang seguridad.
Inamin din nito na may tatlo pa syang kasama nang isagawa ang krimen. Isang taga loob sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City ang nag-utos umano sa kanila kapalit ng P550,000 para sa ulo ni Lapid.
Kumubra umano sya ng P140,000 at ipinasok umano ito sa kanyang bank account.
“Nadala lang po ako ng kahirapan. Wala po kasi akong trabaho, nakuan lang po ako sa pera,” ayon pa kay Escorial.
Sinabi ni Arcangel na unang sumuko sa kanila sa Criminal Investigation and Detection Group noong Oktubre 16 at inilipat sa SITG kinabukasan.
Isinuko rin umano ng suspect ang baril na ginamit nito sa pagpatay kay Lapid. Nagtugma rin umano ang basyo sa baril na ginamit ng suspect.
Binigyan din umano ng abogado si Escorial nang magbigay ito ng pahayag habang ang pamilya niya ay nasa proteksiyon umano ng kapulisan.
Sa punto ng pagdududa ng publiko na isang fall guy si Escorial, sinabi ni Arcangel na “Sa amin po, ebidensiya po kami nagbabase.”
“Kung ano po isinubmit niya, [iyong] extrajudicial confession, at nasunod naman po yan. Ibinigay niya bukal sa kalooban niya. In fact, assisted by his counsel,” sabi nito.
Binaril at napatay si Lapid sa Las Pinas City noong Oktubre 3, siya ang ikalawang journalist na napaslang sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos.
