SUMABOG at lumikha ng sunog ang hinihinalang naiwan na bukas na LPG sa isang pizza house sa Quezon City, Lunes ng medaling araw.
Sugatan din ang isang street sweeper na naglilinis sa tapat ng tindahan sa Visayas Avenue, pasado alas-4 ng madaling araw. Bahagyan nasunog ang face mask na suot ni Sophia Rafa dahil sa pagsabog. Binigyan sya ng paunang lunas para sa first degree burns sa mukha.
“Naghahanda na ko maglinis nang magulat ako sa malakas na pagsabog. Nataranta na ako hanggang makita ko na sunog na ang face mask na suot ko. Nagising na din ang mga tao sa kalapit na tindahan ng pizza,” sabi ni Rafa.
Nagtakbuhan na rin palabas ng kanilang mga bahay ang ilang residente lalo pa’t bumagsak ang malaking tipak ng pader sa likod na bahagi ng pizza store kung saan may mga residential houses at may naninirahan.
Maliban sa tindahan ng pizza ay naapektuhan din ng pagsabog ang ilang homeowners sa likod nito.
Inaalam pa ng awtoridad ang dahilan ng pagsabog.
