NAGSAGAWA ng operasyon ang Land Transportation Office (LTO) NCR West sa iba’t-ibang lugar sa Metro Manila laban sa mga taxi driver na tumatangging maghatid ng mga pasahero.
Sa unang araw ng operasyon nito nitong Martes, nakapagtala ng limang lumabag na tsuper sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) at Pasay City.
Alinsunod sa Joint Administrative Order No. 2014-01, ang parusa para “Refusal to render service to the public or convey passenger to destination” ay multang aabot sa P5,000 hanggang P15,000 at pagka-kansela sa Certificate of Public Conveyance (CPC).
Pinaalalahanan naman ng LTO ang mga taxi driver na gampanan ng maayos ang kanilang responsibilidad kasunod na rin ng patuloy na tumataas ang bilang ng mga nangangailangan ng pampublikong transportasyon.
Patuloy na magsasagawa ng operasyon ang ahensya upang matiyak ang kaayusan at kaligtasan sa daan.
