MAGPAPATUPAD ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ng limitado at no-fly zones sa House of Representatives sa Batasan Complex at sa paligid nito mula Hulyo 23-25 bilang hakbang para matiyak ang kaligtasan sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos Jr. sa Lunes, Hulyo 25.
Kaugnay nito, naglabas na din ang CAAP ng Notice to Airmen (NOTAM) B2088/22 bilang advisory para sa naturang event.
Ang mga training flight ng mga flying school sa loob ng Luzon ay sinuspinde rin mula Hulyo 23, sa ganap na 2:00 p.m. – 5:00 p.m. hanggang July 25 sa ganap na 1:00 p.m. – 7:00 p.m.
Nakasaad din sa NOTAM na asahan ang pagkaantala sa pagdating at pag-alis sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa mga paghihigpit.
