Patuloy na iniimbestigahan ng Bureau of Fire Protection ang naganap na sunog na kumitil sa buhay ng mag-iina sa Pasay City.
PATAY ang mag-iina nang makulong sa nasusunog nilang bahay sa Pasay City, Martes ng umaga.
Kinilala ang biktima na sina Mary Ann Maglinaw, 29 at dalawang anak na sina Xzavion Rivas, 2, and Evzekhion Rivas, 5.
Bandang alas-9:50 ng umaga nang maganap ang sunog sa Barangay 117, Malibay, Pasay City, ayon sa report ng Bureau of Fire and Protection (BFP).
Naapula ang apoy ng bandang alas-10:16 ng umaga at doon ay nakita ang mga bangkay ng mag-iina. Anim na pamilya pa ang nadamay sa sunog.
Agad nagtungo si Mayor Emi Calixto-Rubiano sa lugar upang alamin ang sitwasyon ng mga naapektuhan sa sunog. Nagbigay din ng tulong sa mga nasunugan kasabay ng pag-utos sa City Social Welfare and Development Office na mamahagi ng relief goods, folding beds, mats, towels, groceries, and hygiene kits sa mga biktima na pansamantalang manunuluyan sa covered court.
Mamamahagi rin ng tulong pinsansiyal ang pamahalaang lokal sa mga biktima gayundin ang burial assistance sa mag-iinang nasawi.
“Sa mga panahon ng trahedyang ganito, laging bukas-palad ang ating pamahalaan upang kayo ay tulungan. Ako po ay nakikiramay sa mga namatayan at sa mga naapektuhan ng trahedyang ito. Makakaasa po kayo na ako at ang buong pamahalaan ng ating lungsod ay tutulong sa abot ng aming makakaya,” sabi ni Rubiano.
Patuloy na inaalam ng BFP ang sanhi ng apoy.
