MAHIGPIT nang ipinatutupad sa buong linya ng MRT-3 ang mga health and safety protocols laban sa COVID-19 sa gitna ng implementasyon ng Alert Level 3 sa Metro Manila mula ika-3 hanggang ika-15 ng Enero 2022.
Ito ay sa mahigpit na direktiba ni DOTr Sec. Art Tugade upang protektahan ang kaligtasan at kalusugan ng mga pasahero ng pampublikong sasakyan.
Ipinatutupad ang “No Facemask, No Entry” sa lahat ng nasasakupang lugar ng MRT-3 maging ang physical distancing sa lahat ng istasyon.
Samantala, ipinagbabawal din ang pagkain, pag-inom, pagsasalita, at pakikipag-usap sa telepono sa loob ng mga tren.
May mga platform marshals ding itinalaga sa bawat istasyon na upang tiyaking nasusunod ang nasabing mga health protocols at napapairal ang kaayusan at pagsunod sa tamang passenger capacity ng tren.
Sa kasalukuyan, nasa 70% ang kapasidad ng mga tren ng MRT-3, na may katumbas na 276 na pasahero kada train car, o 827 na pasahero kada train set. Ang isang train set ay binubuo ng tatlong train car o bagon.
May awtoridad ang mga marshal na magpababa o huwag magpasakay ng pasaherong susuway sa anumang protocol na ipinatutupad ng MRT-3.
Hinihingi ng pamunuan ng MRT-3 ang kooperasyon ng mga pasahero sa pagsunod sa mga health protocols at sa agarang pagbibigay-alam ng anumang mamataan nila na paglabag.
“Sa mga pasahero, sana ay magtulungan po tayo. Ugaliin po natin ang pagsunod sa mga health and safety protocols sa MRT-3 dahil para naman po ito sa kaligtasan nating lahat at ng ating mga mahal sa buhay,” ani MRT-3 OIC-GM Asec. Eymard D. Eje.
