KILALA na ng awtoridad ang middleman na nakakulong sa National Bilibid at nag-utos sa sumukong gunman na si Joel Estorial.
Ang middleman ay nahaharap sa kasong droga at naghihintay pa sa desisyon ng korte.
Sinabi ni Police Lt. Gen. Rhodel Sermonia, Philippine National Police (PNP) Office of the Deputy Chief for Administration na kinilala ni Estorial ang middleman sa kanyang sinumpaang salaysay sa pulisya.
Nauna nang hiniling ni Roy Mabasa, journalist na kapatid ni Lapid na seguraduhin ang kaligtasan ng middleman dahil ito ang magiging susi sa pagkakakilanlan ng mastermind maging ng motibo sa pagpaslang.
Hindi pa rin umano naililipat ng ibang pasilidad ang middleman dahil daraan pa ito sa proseso sa korte.
“We cannot just transfer him immediately. We have to secure a court order before we can transfer detainees. The best that we have done so far is to coordinate it with the one in charge of the detention cell, so that security will be given to him,” ayon kay Sermonia.
Hindi pa rin umano natutukoy ang relasyon ng suspect at ng middleman.
“Ang sinabi niya po sa statement niya, very generic po kasi (What he said in his statement was very generic). He was just contacted. He did not specify and of course, we respect whatever statement he gave us because when he gave his statement, it was under the supervision of his own lawyer,” ayon pa kay Sermonia.
Sinampahan na ng kasong murder sa Department of Justice (DOJ) si Escorial at ang tatlong kasama nito na ang magkapatid na Israel at Edmon Dimaculangan, at isang “Orly” o “Orlando” – na sinasabing may ugnayan din sa pagpaslang kay Lapid noong Oktubre 3 sa Las Pinas City.
