MISTERYOSONG namatay ang sinasabing middleman sa Percy Lapid slay matapos maiulat na nasa prison hospital ito nang bawian ng buhay.
Ikinalungkot naman ng pamilya ng radio broadcaster na si Percival ‘Percy’ Lapid Mabasa ang bagong kaganapan sa nilulutas na pagpaslang sa biktima.
Kinumpirma ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na namatay ang 42-anyos na inmate na itinurong middleman ng sumukong gunman na si Joel Escorial.
Gayunman, hindi pa tukoy ang sanhi ng pagkamatay nito.
Hindi pa rin batid kung naratay ito sa prison hospital o idineklarang dead on arrival.
“We are deeply saddened by the report about the mysterious death of the alleged middleman on the Percy Lapid killing inside the NBP facility,” ayon sa kapatid ni Lapid na si journalist Roy Mabasa.
Una nang sinabi ng pulisya pangangalagaan ang seguridad ng middleman na nakakulong dahil sa kasong droga.
Idinagdag pa na ang pahayag ni Escorial ang nagturo sa middleman na kumontak at nag-utos na patayin si Lapid habang nasa loob ng Bilibid.
Si Lapid ay binaril at napatay ni Escorial sa BF Resort Village in Las Piñas City noong Oktubre 3.
