MAKASASAKAY nang libre ang mga manggagawang Pilipino sa Light Rail Transit (LRT) Line 2 sa Mayo 1, Araw ng Paggawa.
Ito ang pahayag ng Department of Labor and Employment (DOLE) kung saan hiniling nila sa Department of Transportation (DOT) na magbigay ng libreng sakay sa mga manggagawang Pilipino sa pagdiriwang ng Araw ng Paggawa sa susunod na linggo.
Ang lahat ng manggagawa sa pampubliko at pribadong sektor ay bibigyan ng libreng sakay mula 7:00 hanggang 9:00 ng umaga at mula 5:00 ng hapon hanggang 7:00 ng gabi sa Mayo 1 at kailangan lang nilang ipakita ang kanilang company identification card o anumang valid government-issued identification card.
Kinakailangan din na sumunod ang mga pasahero sa karaniwang frisking at baggage inspection ng LRT Line 2 management at sa mga alituntunin at regulasyon, gayundin ang mandatoryong pagsusuot ng mga face mask.
Sinabi ng labor department na inaasahang makikinabang sa libreng sakay ang mga naghahanap ng trabaho na pupunta sa iba’t ibang job fair sites sa National Capital Region at mga manggagawang papasok sa trabaho sa Araw ng Paggawa.
