ANIM na tama ng bala sa katawan ang tinamo ng isang lalaking pinasok sa loob ng bahay ng tatlong suspect sa Pasig City.
Puwersahang pinasok ng mga suspect ang bahay ng biktimang si Mark Pablo, 36, ng R. Pilapil Street Barangay Kapasigan, Pasig City.
Nakuha naman sa CCTV footage ang tatlong suspect na tumakbong palayo sa bahay ng biktima. Isa sa mga ito ang may hawak pa ng baril.
Ayon sa kinakasama ng biktima, matutulog na sila bandang alas-10 ng gabi nang makita sa CCTV na may tatlong lalaki ang umakyat sa kanilang bahay.
Tinangkang magtago ng mag-partner ngunit sinara ng mga suspect ang dingding hanggang makapasok.
Na-korner na ang mga ito sa loob ng kwarto kung saan pinagbabaril ang biktima. Nabawi ng pulisya ang anim na basyo ng bala sa silid.
Sinabi ng pulisya na nahuli na umano sa kasong may kinalaman sa droga sa Mandaluyong ang biktima noong 2017.
Isinugod sa ospital ang biktima ngunit hindi na umabot nang buhay. Kinakalap na ng pulisya ang CCTV footage upang makilala ang mga suspect.
