PATAY ang isang rider at ang kanyang back-rider habang isa pa ang sugatan nang banggain ng kotse ang motorsiklo ng mga biktima sa Makati City, madaling araw ng Sabado.
Ayon sa TV report, minamaneho ni Martyn Tan, 23, ang kanyang kotse nang banggain ang motosiklo ng mga biktima sa EDSA-Guadalupe area, pasado alas 3:00 ng madaling araw.
Lango pa sa alak si Tan nang damputin ng Makati Police.
Sa video, nakitang mabilis ang pagpapatakbo ni Tan sa kanyang kotse nang mabangga ang mga nasawi.
“Nagwawala siya dyan kaya nagkaganyan yung mukha niya kasi pinadapa ni sir yan,” sabi ni Rudilyn Mandao, isa sa mga nakakita sa aksidente.
Inamin ni Tan na mabilis ang pagpapatakbo niya ngunit itinangging lango sya sa alak.
“Nandito lang ako sa right lane tapos biglang nabangga yung mga tao dito,” sabi ni Tan.
Isinugod naman ang isa pang
motorcycle rider na sugatan sa Makati Hospital.
Nasa kustodiya na si Tan ng Makati Traffic Bureau habang iniimbestigahan ang kaso.
