NAKATAKDANG sampahan ngayong araw ng kasong serious physical injury ang isang lalaking huli sa video sa aktong paulit-ulit na pamamalo gamit ang isang baseball bat sa nakaalitang senior citizen sa Las Piñas City, Linggo ng hapon.
Gamit ang viral video sa social media at salaysay ng biktima at mga nakasaksi sa aktuwal na pangyayari bilang ebidensya, kakasuhan sa tanggapan ng piskalya sa Las Pinas si Gerson Dave Gonzales ng Barangay Talon Kuatro ng nasabing lungsod bunsod ng pananakit sa biktimang kinilala sa pangalang Julian Adlao Jr., isang 70-anyos na rider mula naman sa Muntinlupa City.
Ayon kay Las Piñas City police chief Col. Jaime Santos, piniling ituloy ng mga kaanak ng biktima ang pagdedemanda laban kay Gonzales sa kabila ng paghingi ng tawad nito sa 70-anyos na si Adlao. Pinabulaanan din ng nasabing opisyal ang giit ng suspek na nagkaayos na sila ng biktima.
Ani Santos, tanging result na lang ng medical examination ang kanilang hinihintay bago tumulay sa Las Pinas City Prosecutors’ Office para sa pormal na paghahain ng asunto laban kay Gonzales.
Sa imbestigasyon ng lokal na pulisya, nauwi sa mainitang pagtatalo ang tagpo sa kahabaan ng General Mariano Alvarez bandang alas 4:30 ng hapon nito lamang nakaraang Linggo nang businahan ng biktimang lulan ng kanyang motorsiklo ang van ng suspek.
Sa viral video, tatlong ulit hinataw ng baseball bat ni Gonzales ang biktima bago tuluyang malugmok sa lupa.
