SUMUKO na ang driver ng SUV na sumagasa at nag-iwan sa sugatang security guard sa Mandaluyong City noong nakaraang linggo.
Humarap si Jose Antonio Sanvicente sa Philippine National Police (PNP) at sa media ngayong Miyerkoles at humingi ng tawad sa biktima na si Christian Floralde.
Nagtamo ng malubhang kalagayan ang biktima nang sagasaan ng suspect.
“My apologies sa nangyari. My apologies kay Mr. [Floralde] at sa kanyang pamilya (My apologies for what happened. My apologies to Mr. Floralde and his family),” sabi ni Sanvincente.
Ayon sa kampo ni Sanvicente, nataranta umano siya sa insidente.
“Very apprehensive siya, natatakot siya, nag-panic in other words (He was very apprehensive, he was scared, he panicked in other words),”ayon sa abogado nito na si Danny Macalino.
Nauna nang binawi ng Land Transportation Office ang lisensiya ni Sanvicente at hindi na muling maiisyuhan habambuhay.
Naunang tumangging sumuko ang suspect.
Isinuko rin ni Sanvicente ang kanyang SUV sa awtoridad.
Isasagawa naman ang hearing ng kasong isinampa laban kay Sanvicente sa Hunyo 17.
Inaasahang ibibigay nito ang kanyang panig sa pamamagitan ng counter-affidavit.
Humarap din ang ina ng biktima at nagsabing hindi umano sila nakatulog matapos ang insidente.
“Hindi kami makatulog, hindi kami makakain. Siyempre anak namin ‘yung involved. Tsaka nag-viral na eh, ‘di ba? Masisira na ‘yung buhay ng anak ko,” sabi ni Sanvincente.
“I think ito, aksidente naman talaga ‘to,” she added. “Maayos ang anak ko. Sino bang may gusto na takbuhan ‘yon?”
Handa rin umano ang mga Sanvicente na tulungan ang biktima na nakalabas na ng ospital noong nakaraang linggo.
Sa kanyang panig, sinabi ni Floralde, na tanggap niya ang ginawa ng pamilya ng suspect.
“Masaya po (ako) na nagpakita na siya, na lumutang na siya.. Para maharap (na) niya ‘yung kasong isinampa sa (kanya). At para marinig po natin kung ano yung side niya,” sabi nito.
Idinagdag pa nito na tinatanggap niya ang paumanhin ng suspect ngunit itutuloy pa rin umano nila ang kaso.
