Kung patuloy na tataas ang bilang ng bagong kaso ng Covid-19, posible umanong ilagay sa Alert Level 2 ang Kamaynilaan, ayon sa DoH.
NAGBABALA ang mga eksperto na hindi dapat balewalain ang pagdami ng mga lugar sa Metro Manila na nasa moderate risk antas ng pandemya kasunod ng pag-anunsyo ng Kagawaran ng Kalusugan na limang lungsod at munisipalidad na ang nakitaan ng mabilis na pagtaas ng mga bagong kaso ng coronavirus disease (Covid-19).
Ito ang hinayag mismo ni health undersecretary Maria Rosario Vergeire sa pagpuna sa animo’y umiiral na pagpababaya ng publiko at maging ilang opisyal ng pamahalaan sa pagsunod sa itinakdang minimum health safety protocol sa gitna ng naunang pagbaba ng infection at reproduction rate ng Covid-19.
Kabilang sa mga lungsod na nasa moderate risk sa ngayon ay ang Pasig, San Juan, Quezon City at Marikina, kasama ang munisipalidad ng Pateros.
Idinagdag ni Vergeire, na itinalaga na rin bilang hepe ng National Vaccination Operations Center (NVOC) kapalit ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje, tumaas na sa 200 porsyento ang mga bagong kaso ng Covid-19 sa nasabing limang lugar.
Sinabi pa ng kalihim na umabot na rin sa 50 porsiyento ang utilization rate ng isang ospital sa Kalakhang Maynila.
Inamin ni Vergeire na galing sa iba’t ibang lugar ang mga pasyenteng ipinapasok sa nasabing ospital.
Sa huli, nagbabala ito na sakaling maging moderate risk ang buong Metro Manila, mapipilitan ang kagawaran na ipatupad ang Alert Level 2, na nangangahulugang mas magiging mahigpit ang pagpapatupad ng mga health safety protocol at lilimitahan din ang paggalaw ng mga tao.
