NAHAHARAP ngayon sa kasong administratibo at criminal ang isang pulis na umano’y lumustay ng buy bust money para itaya sa e-sabong.
Kinilala ni Philippine National Police (PNP) spokesperson Police Colonel Jean Fajardo ang pulis na si Police Lieutenant John Kevin Menes, 24, nakatalaga sa PNP Drug Enforcement Group–Special Operations Unit–4 (DEG–SOU4) ng Police Regional Office-4A (PRO-4A).
Kakasuhan si Menes ng estafa atillegal gambling sa umano’y pagkawala ng may P500,000 cash para sa DEG sa Calabarzon.
“Maliban pa dito sa criminal case niya for illegal gambling na estafa, ay may kakaharapin pa siyang isang kaso na admin na tinatawag natin malversation of government funds – ‘yung buy-bust money supposedly na sa kanyang pag-iingat,” ayon kay Fajardo sa radio interview.
“Ito (pera) ay supposedly ay ginagamit po sa ating mga police operations lalo na sa ating anti-illegal drugs operation. At sa kasamaang palad nga po dahil sa kanyang pagkakalulong sa sabong ay pati itong pera na sa kanyang pag-iingat ay nadispalko niya at hindi niya ma-account,” ayon pa rito.
Una nang naikulong sa headquarters of the PRO-4A sa Calamba, Laguna si Menes nang hindi nito maipakita ang P500,000 operational funds sa anti-narcotics operations.
Gayunman, tumakas si Menes noong Marso 27 sakay ang hiniram na kotse ng kanyang tauhan na si Pat. Melvin Bojocan Barbo.
Hindi na rin nito isinauli ang kotse dahilan para ilunsad ang search and recovery operation.
Makalipas ang dalawang araw, nakatangap ng report ang pulisya na nakita sa online betting station sa Sta. Mesa, Manila si Menes.
Nang puntahan ng mga pulis, natuklasan na pinigil si Menes ng mga empleyado sa lugar dahil hindi umano nito binayaran ang P15,000 utang. Nabatid pa na isinanla ni Menes ang hiniram ng kotse sa isang Angel Robert Maximo sa halagang P170,000.
Nakakulong na ngayon si Menes sa Manila Police District.
