ARESTADO ang babaeng scammer ng mga lalaking nakaka-date nito kung saan nakatangay ng milyun-milyong pisong halaga sa Taguig City.
Sa bisa ng arrest warrant, hinuli ang suspek sa Barangay Fort Bonifacio dahil sa paglabag sa Anti-Bouncing Check Law.
Ayon sa real estate agent na si Ram Villegas, isa sa mga biktima, kinausap siya ng suspek para magpatulong na maghanap ng condominium sa Bonifacio Global City pero tumalbog ang inisyu nitong tseke.
Muling nagpatulong sa kanya ang babae pero sa pagkakataong iyon ay nag-background check si Villegas at nalamang scammer umano ang suspect.
Ayon sa pulisya, sari-sari ang modus ng suspect.
“‘Yong isa nating complainant, allegedly na-scam siya ng P10 million for business profit, pinangakuan ng mataas na interes. ‘Yong isa naman, nakilala sa parang dating app. ‘Yong iba naman ay kaibigan na nangako,” ani Maj. Judge Donato.
Ayon sa isa sa mga biktima, founder ng isang fashion company ang pakilala sa kanya ng suspect.
Matapos makuha ang kanilang tiwala, nagsimulang manghiram ng pera ang babae.
Desidido ang mga biktima na ituloy ang kaso para hindi na anila makapanloko ng iba ang suspect.
Nagpaalala naman ang pulisya na huwag basta-basta magtiwala at maghangad ng mabilisang kita ng pera para hindi mabingwit ng mga scammer.
