BRUTAL na kamatayan ang sinapit ng isang 27-anyos na babae sa kamay ng sinasabing nobyo nito sa loob ng radiator shop sa Makati City.
Duguan, nakapulupot ang kawad ng mikropono at may isang saksak din sa leeg nang matagpuan ang biktima sa loob ng kuwarto ng nobyo nito na nagtatrabaho sa radiator shop sa Bangkal, Makati.
Sinabi sa report na huling nakitang magkasama ang biktima at nobyo nito kamalawa ng gabi. Sabado ng alas-7 ng umaga ay nakita sa cctv footage na lumabas saglit ang suspect at kumuha ng tubig. Ilang saglit pa ay muli itong lumabas ng kuwarto bitbit na ang mga gamit nito.
Sinabi ng Makati City Police na ang magkakatabing kwarto ang nagsisilbing barracks ng mga manggagawa ng isang radiator shop sa Evangelista Street sa Barangay Bangkal.
“Na-discover po itong dead body na ito sa isang katrabaho ng ating person of interest. Pupunta sana siya sa kwarto niya para gisingin itong person of interest natin, itong suspect. Ang nakita niya is babae.
Sabihin natin na parang patay daw. Kaya sa takot niya, tumawag ka agad sila sa barangay,” sabi ni Police Colonel Edward Cutiyog, Chief ng Makati City Police.
Ang babae ay empleyado ng resto bar na katabi ng barracks ng suspek.
“Itong dalawa na ito, sabihin natin na close friends o baka mag-syota pa. Base sa mga inisyal investigation natin sa mga friends nito at mga witnesses, lagi naman daw silang nakikita. Kung minsan pa ay pumupunta itong babae sa radiator shop na pinagtatrabahuhan itong lalaki,” ayon pa kay Cutiyog.
Hinala ng Makati Police dulot ito ng crime of passion.
Patuloy na tinutugis ang suspek, na mahaharap sa reklamong murder.
