BILANG bahagi ng Traslacion bukas, sinabi ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos na magpapatupad ng signal jamming sa ilang bahagi ng Maynila bilang bahagi ng ipatutupad na seguridad.
Sa ambush interview, sinabi ni Abalos na handa na ang lahat sa Traslacion kasama na ang signal jamming.
“So expect po, sabihan ninyo na iyong mga kamag-anak ninyo na kung hindi kayo ma-reach huwag na munang mag-panic dahil every year ginagawa po iyon,” dagdag pa ni Abalos.
Wala rin umanong namonitor na problema dahil handang-handa na rin ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno para sa Traslacion.
“I don’t see any thing sa sasabihin nating problema. Ang masasabi ko 100% prepared ang kapulisan, AFP, ang Fire, ang MMDA, lalo na ang City of Manila, lahat po ng ahensya ng national government,” ayon pa kay Abalos.
Nasa dalawang milyong deboto ang inaasahang sasali sa prusisyon ng 400-taong-gulang na Black Nazarene mula Quirino Grandstand hanggang Quiapo Church.
