TATLO ang patay habang ilan ang sugatan sa pamamaril na naganap sa loob ng Ateneo de Manila University (ADMU) campus Linggo ng hapon sa Quezon City.
Kabilang sa nasawi si dating Lamitan, Basilan Mayor Rose Furigay at ang kanilang aide na si Victor Capistrano, ayon sa kampo ng biktima.
Sinabi ni Quezon City Police District Director BGen. Remus Medina na kabilang sa nasawi ang isang secutiry guard habang sugatan naman ang 25-anyos na anak ng ex-mayor na si Hanna Rose. Nakatakda sana itong magtapos sa law school ngayon.
Arestado naman ang gunman at kasalukuyang sumasailalim sa interogasyon.
Ayon sa sources ng ABS-CBN News, naganap ang pamamaril sa Ateneo Law School na nakatakda ang graduation bandang alas-4 ng hapon.
Isa sa mga ga-graduate ang nagsabing unang narinig ang putok ng baril sa Areté Building bandang alas- 2 ng hapon.
Nabatid na binaril ang bodyguard kasunod ng ex-mayor. Sunud-sunod na putok na umano ang narinig habang nagtakbuhan naman ang mga tao sa takot na madamay sa putukan.
Nakatakda ring graduation speaker si Chief Justice Alexander Gesmundo ngunit padaling pa lamang ito sa pinangyarihan ng krimen at inabisuhan nang huwag nang tumuloy.
Agad namang ini lockdown ang campus habang patuloy pa rin iniimbestigahan ang insidente hanggang ngayong hapon.
Iniliban na ang graduation rites, ayon sa report.
“Ateneo is continuing to work with the police and other authorities to deal with the incident,” ayon sa tweet ng unibersidad.
Agad naman nagparating ng pakikiramay si Pangulong Ferdinand Marcos Jr na nagsabing nagulat at nalungkot siya sa insidente.
“We mourn with the bereaved, the wounded, and those whose scars from this experience will run deep,” ayon sa pahayag ni Marcos.
