TATLO katao ang napatay habang apat na iba pa ang sugatan matapos mamaril ang isang lalaki mula sa veranda ng kanyang bahay sa Caloocan City.
Sa report ng Unang Balita nitong Huwebes, naburyong lamang umano ang suspect dahil sa sunud-sunod umanong problemang kinakaharap.
Ayon sa report, nabulabog ang mga residente ng Brangay 10 at 11 sa Caloocan City nang umalingawngaw ang mga putok ng baril pasado 6:30 ng Miyerkoles ng gabi.
Gamit ang isang shotgun, nagpaulan ng bala ang suspect kung saan tatlo agad ang bumulagta sa kalsada.
Pumuwesto umano ang suspect sa kanyang veranda at mula doon ay sunud-sunod nang nagpaputok ng baril.
Agad na naaresto ang suspect na isang negosyante sa tulong ng kapitan ng kanilang barangay .
Ang ginamit ng suspek sa pamamaril ay shotgun at 9mm pistol na higit 20 beses niyang pinaputok batay sa mga basyo ng bala na nakuha sa crime scene.
May nakuha pa sa kanya na cal. 38 na baril at mga bala.
Ayon sa mga pulis ang dalawang handguns ay may mga lisensya pero paso na. Wala namang lisensiya ang shotgun.
Ayon sa barangay captain, nagpunta pa sa brangay hall ang suspect bago ang pamamaril upang ireklamo ang mga basurang plastic na sinusunog daw sa gilid ng bahay niya.
Pero muling bumalik sa barangay hall para idulog na man ang iba pang mga bagay. May tao daw na kumukuha ng picture sa kanya, ayon sa barangay captain.
Dagdag ng ulat, may napansin umano ang mga kapibahay sa suspect noong umaga bago ang pamamaril.
Aligaga umano at lakad ng lakad, ayon sa isang residente.
Sa presinto, sinabi ng suspect kung bakit niya nagawa ang pamamaril.
“Wala, ano na yung isip ko e. Magulo na ang isip ko e. Parang naburyong na ako. Ano pa ba ang masasabi ko, nangyari na,” pahayag ng suspect.
“Definitely, isa-subject natin siya sa drug test para malaman natin baka nagda-drugs yung ato,” ayon kay Police BGen. Ponce Rogelio Peñones, Director, Northern Police District.
