PATAY ang 3-anyos na bata nang maapula ang apoy sa nasusunog nilang bahay sa Barangay 14, Caloocan City ngayong Miyerkoles.
Ayon sa ama ng bata na si Edmar Francisco, gumagawa siya ng kama sa kanilang bahay sa Pompano Street sa Barangay 14 bandang tanghali nang sabihan siya ng kaniyang pamangkin na may nasusunog sa kabilang kwarto kung saan naroon ang tatlong taong gulang na anak niyang lalaki.
Ayon kay Francisco, nakaharang ang foam ng kama sa daanan papunta sa bata.
“Pupuntahan ko yung anak ko. Sumisigaw anak ko, tinatawag ako. Nakita ko malaki na apoy. ‘Di na ko makapasok sa loob ng kuwarto kasi nakaharang yung foam ng kama namin,” aniya.
Sa pagpupumilit ni Francisco na iligtas ang anak, sinuong niya ang sunog. Pero nabigo pa rin siya at nagtamo ng mga paso sa braso.
Labis ang kaniyang hinagpis dahil hindi niya nagawang iligtas ang anak.
Ayon sa fire investigator ng Bureau of Fire Protection Caloocan, iniimbestigahan pa nila ang tunay na sanhi ng sunog. Umabot lang ito sa first alarm at walang nadamay na ibang bahay.
Bandang ala 1:56 ng hapon ay under control na ang sunog at 2 p.m. ay nagdeklara na ng fire out ang ang BFP Caloocan.
Nasunog ang compound ng magkakapatid na Francisco kung saan anim na pamilya ang nakatira na
binubuo ng 27 indibidwal ang anim na pamilya.
Pansamantala silang tutuloy sa kanilang kamag-anak sa kabilang kalye.
Inaalam na rin ng BFP ang halaga ng mga ari-ariang nasunog.
