TATLONG saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang tumapos sa buhay ng isang 14-anyos na Grade 8 student nang pagtulungan ito ng grupo ng mga teenager sa Quezon City.
Ayon sa pulisya, naisugod pa sa ospital ang naturang biktima ngunit binawian din ng buhay doon.
Ayon sa isang saksi, nakalapit pa sa kanya ang biktima na bigla na lamang sinaksak ng suspek sa tabi niya.
Ayon sa tatay ng biktima, nalaman lamang nila ang insidente nang pumunta sa kanilang bahay ang kaibigan ng kanyang anak.
Aniya, hinawakan umano ang kanyang anak ng mga babae at sabay inudayan ng saksak ng suspek.
Samantala, naaresto naman ang sumaksak sa biktima na isang 15-anyos na binatilyo.
Ito ay dinala agad sa police station kasama ang lima nitong kasamahan na may edad 14 hanggang 16 na anyos.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, kasama ng biktima ang kanyang mga kaibigan galing sa eskwelahan nang biglang sumulpot ang grupo ng mga suspek at saka pinagtulungan ang biktima.
Ayon sa pulisya, mistulang kinursunada lamang ng mga suspek ang biktima kaya nagawa ang krimen.
Ang mga suspek ay nai -turn over na ng pulisya sa Social Development Department ng Quezon City Police dahil menor de edad pa ang mga ito.
