SINAKSAK at binugbog ng kapwa menor de edad ang 13-anyos na estudyante sa harap ng Judge Luna High School in Barangay Bungad, Quezon City.
Ayon sa report ni Emil Sumangil sa “24 Oras”, agad na isinugod sa ospital ang biktima dahil sa saksak na tinamo at palo ng baseball bat.
Nakuha sa CCTV ang insidente.
Ayon sa biktima, may susunduin umano sya sa naturang lugar nang lusubin siya ng grupo ng mga suspect.
“Kapag baba ko po ng tricycle bigla nila akong binanatan… nakursunadahan lang po” sabi ng biktima. Wala rin umano syang makitang dahilan para saktan.
Dalawa sa menor de edad na sangkot sa insidente ang inaresto. Nasa kustodiya na ito sa QC Police District Baler Station.
Nasa edad 13 hanggang 15 ang mga ito at sinabing miyembro ng fraternity.
“Nung tinuro sila ng victim, na-identify sila. Sila ‘yung mga kasama sa mga nambugbog,” sabi ni Masambong Police Station commander Police Lieutenant Colonel Imelda Reyes.
Itinanggi naman ng mga ito ang akusasyon.
“Ako po ‘yung inabangan sa labas… hindi ako [ang nambugbog],” sabi ng isang nahuli.
“Nung nagkahabulan po tinignan ko lang po ‘yun tapos nadamay na po ako,” ayon naman sa isa pa.
Naiyak naman ang mga magulang ng mga inaresto nang malaman na kakasuhan ng frustrated murder ang mga ito.
“Sana bago mangyari ang kaguluhan ay sa level ng magulang, sa loob pa lang ng bahay ay maayos na kanilang pamamalakad at pagdisiplina sa kanilang mga anak,” sabi ni Reyes.
Patuloy namang hinahanap ang sinasabing sumaksak sa biktima.
“Ang nanaksak ay na-identify but at large. Mayroon din nag-baseball bat sa kanya at ‘yun ang hindi na-identify dahil at large din,” dagdag pa ni Reyes.
Patuloy ding hinahanap ang isa pang teenager na umano’y nakuhanan ng CCTV na may hawak na patalim.
