DOBLE dagok ang inabot ng Philippine General Hospital (PGH) sa lungsod ng Maynila makaraang magpositibo sa tinatayang 1,100 medical workers ngayong buwan ng Enero, bukod pa sa punuan na rin ang pagamutan ng mga kompirmadong kaso ng nakamamatay na COVID-19.
Ayon kay Dr. Jonas del Rosario na tumatayong tagapagsalita ng PGH, manipis na rin ang kanilang hanay ng mga medical frontliners na unti-unting nauubos sa gitna ng paglaganap ng Omicron variant na 10 ulit na mas nakakahawa kumpara sa Delta variant, ayon mismo sa mga eksperto.
Batay sa pinakahuling datos ng PGH, mahigit 100 medical frontliners ng nasabing pagamutan ang nagppositibo ngayong linggo. Okupado na rin aniya ang kanilang 300-bed capacity COVID ward kung saan naka-admit ang 314 pasyenteng positibo.
“As always pag ganyan we have to give more beds. We had to convert some of our non-COVID beds back to COVID beds,” ani del Rosario sa isang panayam sa radyo. Mula unang araw ng Enero, “at least 1,100 health workers have been COVID positive.”
Bagamat nanatili ang pagpapatupad ng 10 araw na isolation period sa kanilang nagpopositibong healthcare workers, inamin naman ni del Roario na hindi na nila pinagku-quarantine pa ang mga asymptomatic na medical staff para patuloy na makatugon sa patuloy na pagdating ng mga pasyente.
“If they have no symptoms, pinababalik namin sa trabaho. Because of the shortened quarantine, mga 90 plus health workers ang nakabalik kaagad,” aniya.
“Hindi na sila sinaswab, basta asymptomatic at close contact lang. Oras na may naramdamam kahit simpleng sipon o makati lalamunan, pull out kaagad at sinaswab,” dagdag pa niya. Pansamantala na munang hindi tumatanggap ng mga non-COVID cases ang ospital, maliban na lang sa mga emergency cases.
“‘Yung mga naischedule kinacancel muna dahil walang tatao lalo na nurses. May urgent non COVID cases na tuloy naman po,” pahabol pa ni del Rosario.
